ron canimo |
lick to add headline
Muling isinagawa ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (PKPP) ang taunang porum na ginanap sa Dambanang Marcelo H. Del Pilar, San Nicolas, Bulakan, Bulacan nitong ika-15 ng Agosto; bilang pakikiisa sa selebrasyon ng Araw ng Bulacan. Nilahukan ng 82 mag-aaral ng kursong Edukasyon, Journalismo at Turismo ng Bulacan State University (BulSU) ang porum na may temang “KWENTONG BAYAN: Ang Kultura at Sining sa Lalawigan ng Bulacan, sa Gitna ng Himagsikan”, kung saan diniskurso ang yamang taglay ng lugar pagdating sa pagkain, literatura at tradisyunal na sining nito. “Gusto kong ma-i-highlight sa forum na ito ang mga basic ngunit hindi masyadong binibigyang pansin na bahagi ng kasaysayan ng Bulacan. At napili nga namin na ibahagi sa mga tagapakinig ‘yung musika, mga tula, pagkain at produktong dito sa probinsya nag-originate,” pahayag ni G. Alex Balagtas, Punong Pansangay ng PKPP-Bulacan. Tumagal ng halos limang oras ang diskusyon sa pangunguna ni Bb. Rheeza Santiago-Hernandez bilang panauhing tagapagsalita. Ibinida ang iba’t ibang putaheng paborito ng mga bayani na tubong Bulacan at binigyang diin ang mga sinaunang awitin at pagtula sa pamamagitan ng mga pagtatanghal. Upang ipagmalaki ang produktong gawang-kamay ng Bulacan, ipinakita ang mano-manong paggawa ng dalawang klase ng puni na tanging gamit ay mga dahon: sisidlan sa pagluluto ng kanin at borlas ng pastilyas. “Gusto naming maipakita sa bagong henerasyon na nag-e-exist parin ang mga ganitong handicrafts. Hindi lang masyadong binibigyang pansin dahil nga mga pa-sosyal na ngayon ang mga tao, pero ang halaga kasi nito ay hindi matutumbasan dahil taglay niya ‘yung essence ng kasaysayan,” saad ni Hernandez. Sa pagtatapos ng diskurso ay binigyang pagkakataon ang mga estudyanteng tagapakinig na magtanong at magpahayag ng kanilang reaksyon tungkol sa mga tinalakay. Kapalit ng mga tanong na ito ay librong pangkasaysayan at produktong puni. Bukod sa mga kaalamang naidulot ng porum, nagkaroon din ng pagkakataon ang mga mag-aaral na masilayan ang puntod ng mga bayaning Bulakenyo kabilang na rito ang kinalalagyan ng labi ng Dakilang Propagandista na si Marcelo Del Pilar. “Kahit pa sabihing dito lang sa Bulacan e malaking tulong ‘to sa mga estudyante and as I know, 80% ng history ng Pilipinas e dito nangyari. ‘Yung mga forum na ganito e dapat talaga in-e-execute para narin ma-recognise ng bagong henerasyon ang yaman ng Bulacan sa kasaysayan,” pahayag ni Sofia Pelaez, estudyante ng Turismo sa BulSU Meneses Campus. Tinapos ang programa sa panghihikayat na makiisa at sumuporta sa mga produktong Bulacan bilang pagpapahalaga at pagpepreserba sa kasaysayang nakabalot dito. At bilang pasasalamat, nakatanggap ng mga sertipiko ang mga dumalo.
0 Comments
Leave a Reply. |
Ron Canimo18 years old. Archives
May 2015
Categories |