ron canimo |
Hahawakan ko ng mahigpit ang kamay mo Huli. Hindi na kita bibitawan. Hindi ko na hahayaang muli ka pa nilang saktan. Na muli kang magdusa sa mga kamay nilang bakal. Sisikapin kong ilayo ka sa mundong ito, kung saan hinuhusgahan ka at pinagsasamantalahan. Ilalayo kita sa sakal at dikta ng mga diyus-diyosan. Hanggang sa hindi ka na nila muli pang mahawakan at magalusan ang makinis mong balat. Hanggang sa hindi ka na nila kaya pang uhawin at gutumin. Hanggang sa hindi na tumulo ang ‘yong mga luha nang dahil sa pangungulila. Dadalhin kita sa dalampasigan. Maglalakad tayo habang tinatanaw ang bughaw na kalangitan at dagat. Ipaparinig ko sa’yo ang musika ng alon. Ipapadama ang haplos ng hangin. Ipapakita ang paglubog ng araw sa akala mo’y dulo ng karagatan. Doon mo masisilayan ang ganda ng buhay. Kung paano manalamin ang bilog na apoy sa malawak na katubigan. Doon mo mararamdaman ang kalayaan. Kagaya ng mga ibong nagsasayaw sa himpapawid. Maglalakad tayo sa puting buhangin, at hindi na tayo muling babalik pa sa lugar ng kalupitan. Mag-iiwan na lamang tayo ng marka, mga yapak na magpapaalala kung paano ka lumaya, kung paanong hindi na dalawang paa ang babakas sa pinong buhangin, kun’di apat na. Ihihimlay kita sa likod ko kapag pagod ka na. Hahayaan kong ipatong mo ang ‘yong mukha sa aking balikat. Hahayaan kong yakapin mo ako dahil alam kong matagal mo itong hinangad. Hindi ako mapapagod Huli. Hindi ako magsasawang buhatin ka gamit ang buong lakas ko. Hindi ako mangangalay dahil hinintay mo ang sandaling ito. Mas matagal ang naging pagdurusa mo, kaya’t hindi kita bibitawan. Kakantahan kita, tulad ng dati. Bibigkasin ko ng may indayog ang bawat liriko ng musikang paborito mo. Uulit-ulitin ko hanggang sa maramdaman mong ligtas ka na. Hanggang sa sabayan mo ‘kong umawit. Gusto kong marinig ang tinig mo. Gusto kong maramdaman ang hininga mo sa tainga ko. Gusto kong malaman mo na matagal din akong nangulila sa dampi ng labi mo. Na matagal din akong nagtiis na malayo sa’yo at pangako mo lang ang tangan sa bawat gabing ipipikit ko ang mga mata ko. Kakantahan kita Huli. Aawitin ko ang paborito nating kanta. Simbolo ng walang hanggang pagmamahalan nating dalawa. Hindi ka na nila makukuha sa’kin. Hindi na nila tayo masusundan pa rito. Hahawakan ko ang kamay mo. Hihigpitan ko. Hindi na kita bibitawan pang muli. Hindi ko na hahayaang maulit ang dati. Gusto kong masilayan mo ang paglubog ng araw at muling pagsikat nito nang kasama ako. Gusto kong magkasama nating haharapin ang lamig ng gabi at sabay sasalubungin ang init ng umaga. Tayong dalawa lang Huli. Walang sila. Ikaw lang at ako. Hanggang sa makarating tayo sa dulo ng tabing-dagat. Hanggang sa makalimutan na natin ang lahat. Hanggang sa matanggal ang lungkot at pangamba. Iiwanan natin ang mundong naglayo sa’tin sa isa’t isa. Maglalaho tayo. Hindi na nila tayo matutunton pa. Hindi nila ‘ko napatay Huli. Tinapos ko ang sarili kong buhay. Gaya ng ginawa mo, mahal ko.
0 Comments
Lagi kitang kinukulit. Na para bang isang genie na agarang maibibigay ang hiling ko. Na parang isang fairy na sa isang kumpas lang ay matutupad na ang wish ko. Lumaki kasi akong ikaw ang unang nakikita sa pagbungad ng umaga. Nasanay ako na sa bawat sugat ko, ikaw ang gumagamot. Na ikaw ang laging nagsasabing “kaya mo ‘yan.” Ikaw ang karamay ko sa bawat talo at panalong kumpetisyong sinasalihan ko. Ikaw ang tumatahi sa mga wakwak kong uniporme. Ikaw ang nagsisilbing genie o fairy sa bawat “gusto ko no’n, gusto ko nito.” Na hindi ko minsang naisip kung kaya pa ba ng powers mo o tatalab pa ba ang magic mo. Naaalala ko pa nang una mo ‘kong ihatid sa eskwela. Ang mga sandaling umiiyak ako kapag hindi na kita nakitang nakadungaw sa bintana ng klasrum. Ikaw ang takbuhan ko kapag may nang-aaway sa’kin. Ikaw ang sumbungan ko kapag iniinggit ako ng kaklase ko sa bago niyang krayola at sapatos na umiilaw. Sa’yo ako umiiyak. Ikaw ang naging taga-salo ng bawat luha at daing ko sa lupit ng mundo. Ikaw ang taga-lagay ng dyaryo sa likod ko para hindi matuyuan ng pawis. Sa’yo ako unang natuto. Hanggang sa makarating ako dito. Hanggang sa unti-unti kong nakalimutan ang mga panahong madalas ka ring umiiyak dahil nasaktan ako, dahil madalas akong naaagrabyado. Hanggang sa hindi ko na maalala pa kung ilang beses kang natuyuan ng pawis dahil sa laging ako ang inuuna mo. Naaalala ko pa nang una kitang binigo. Nang una akong sumuko at sinabing hindi ko na kaya. Mahina kasi talaga ‘ko sa memorization. Hindi ko kinayang kabisaduhin ang walong pahina ng declamation piece. At umiyak ako sa’yo. Umamin akong hindi ko talaga kaya. Na ibibigay ko nalang ang oportunidad sa iba. Na hindi mo na pala ako masasabitan ng medalya pagdating ng recognition. Nakita ko ang paglamlam ng ‘yong mata. Kung paano mo pinilit na ngumiti at pagaanin ang loob ko. Kung paano mo binigkas ang mga salitang “ayos lang ‘yan” kahit na alam kong nadismaya ka. Kung paano mo ipinaramdam sa akin na mas importanteng hindi ako mahirapan kaysa sa anomang karangalan. ‘Yon ang mga sandaling ipinangako kong hindi na kita muli pang bibiguin. Naranasan mo ang maraming trabaho. Nagtinda ng isda, naglako ng karne ng baboy, nanilbihan sa ibang bahay, naging tau-tauhan ng mga nasa mas mataas na estado sa buhay. Naranasan mong mapilay, mahusgahan, maliitin ng ibang tao. Naranasan mo ang masasakit na salita mula sa kanila. Naranasan mong talikuran ang sarili mong pangarap para matupad ang pangarap ng iba, ang pangarap ko. Kinalimutan mo na kung gaano mo kagustong maging isang guro ng maraming estudyante at piniling magturo sa isa. Hindi mo na inisip ang sarili mo, dahil hindi naman kamo mahalaga ‘yon, mas mahalaga ako sabi mo. Kaya nga hindi ka pa nakuntento dito. Hinangad mo pang pumunta sa ibang bansa para mas mapagbuti ang kalagayan ko. Para hindi na kamo ako iiyak kapag hindi mo naibigay ang gusto ko. Hindi na ako malulungkot dahil mayroon na ‘ko ng mayroon sila. Sa kabila ng mga bagay na isinakripisyo mo, may parte parin sa’kin na hindi kuntento. Dahil wala nang babaeng bumubungad sa umaga ko. Walang nag-aalaga sa’kin kapag may sakit ako. Wala ‘yong number 1 fan ko sa tabi ko. Wala nang tumatahi sa mga sira kong damit. Malayo na kasi ang fairy ko, malayo ka. Na sa kagustuhan mong tuparin ang mga wish ko, pumunta ka sa lugar kung saan mas gagana ang magic mo. Hindi ako makapag-post ng picture nating dalawa, ma. Wala kasi tayo no’n. Hindi ka nabigyang pagkakataon dahil abala ka sa paghahanap ng ipanghahanda ko kapag may recognition sa eskwela. Lagi kang wala kapag sasabitan na ‘ko ng medalya. Pero hindi ako galit. Hindi kita masisisi. Hindi ko rin ipagkakait na para sa’yo ang lahat ng mga karangalang nakakamit ko. Nakakatawa nga lang din na ang dami ko nang nagawan ng tula at sanaysay, pero ikaw na unang nagturo sa’king magsulat ay ngayon ko palang naigawa. Kaya hindi ito ang huli. Hindi ka na makakalimutan ng mga salita’t letra ko, dahil hindi naman ‘to isinasa-ulo. Nagmumula ‘to sa puso. Hayaan mo nalang. Magsasawa rin ako. Naiintindihan ko kung bakit hindi ka na tulad ng dati. Kung bakit binabalewala mo na ang mga tawag ko sa’yo kapag gabi. Kung bakit natitiis mo nang hindi magreply sa texts at chats ko. Naiintindihan kong wala ka nang pakialam sa’kin. Naiintindihan ko kung bakit ganito na tayo. Naiintindihan ko na sa bawat biro ko, hindi na kita napapasaya. Na sa bawat ngiti mo, hindi na ako ang dahilan. Naiintindihan ko kung bakit nagsawa ka. Kung bakit napagod ka. Kung bakit humanap ka na ng ibang bagay na makapagpapasaya sa’yo. Naiintindihan ko na ang mga mali ko. Naiintindihan ko rin kung bakit hindi ka na pumapayag kapag inaaya kita. Kung bakit hindi ka na naglalaaan pa ng oras para makausap ako. Kung bakit may pinagkakaabalahan ka ng iba. Kung bakit hindi mo na inaaksaya ang oras mo sa pag-iyak nang dahil sa’kin. Naiintindihan kong mas malakas ka na. Naiintindihan kong nakakangiti ka na sa tuwing makikita mo ang mga lumang litrato natin. Na hindi ka na nasasaktan. Na hindi mo na naaalala ang mga nasirang tiwala at pangako. Naiintindihan kong hindi ka na umaasa pa. Masaya ka na sa minsang nagkaroon ng pagkakataon ang kuwento nating dalawa. Naiintindihan ko. Naiintindihan kong nasa maayos ka nang kalagayan. Hindi na nababasa ang unan mo dahil sa walang tigil na pagluha. Hindi ka na nababagot sa kahihintay sa’kin. Hindi na mga hinanakit ang mga ipinopost mo. Hindi ka na kumakain ng marami dahil sa sama ng loob. Hindi na malulungkot na kanta ang pinapatugtog mo. Hindi ka na ulit magpapagupit para ipaalam na mas matatag ka na. Hindi ka na maglalakad mag-isa dahil hindi mo ‘ko kasama. Hindi mo na rin maririnig ang paulit-ulit kong sorry. Ang walang kapaguran kong pagmamakaawa. Ang maraming beses na paghingi ko ng tyansa. Ang hindi matapos na pagbabago. Hindi mo na mararamdaman ang yakap ko kapag malapit nang bumagsak ang mga luha mo. Hindi na kita mahahalikan sa noo, sa pisngi, sa labi. Wala nang pasmadong kamay na hahawak sa kamay mo. Wala nang hihiram ng panyo sa’yo. Wala nang hihingi ng mga tira mo. Wala nang kakanta ng wala sa tono. Wala nang mangungulit at magtatanong sa’yo kung bakit mo ‘ko minahal. Kung bakit bumubuo ka ng pangarap kasama ako. Naiintindihan kong hindi ka na tumitingin sa langit kapag sinabi kong maraming bituin. Naiintindihan kong hindi ka na napupuyat dahil sa magdamagang text at chat. Naiintindihan kong hindi mo na rin isasandal ang ulo mo sa balikat ko kapag inaantok ka sa byahe. Naiintindihan kong hindi ka na lilingon kapag tinawag kita para kuhanan. Naiintindihan kong nagsawa ka na sa mga litrato nating masaya, pero unti-unting naluma, nabura. Naiintindihan ko kung hindi mo ito babasahin, gaya ng pag-intindi kong magmamahal ka ng iba. Naiintindihan ko kung wala nang epekto sa’yo ang bawat salitang nakapaloob dito, gaya ng pag-intindi kong masaya ka na kahit hindi tayo magkasama. Naiintindihan kong hindi mo na ‘ko mahal, gaya ng pag-intindi mo sa’kin noong ako ang nagsabi nito. Naiintindihan kong hindi mo na ‘ko babalikan. Naiintindihan ko. Iniintindi ko lahat dahil alam kong wala nang pag-asa. Na hindi na kita dapat pang guluhin. Na hindi mo na ako dapat pang mahalin. Iniintindi ko, kaya hayaan mo nalang. Magsasawa rin ako, gaya ng dahilan kung bakit wala na tayo. Sometimes people feel that initiating an apology is a sign of weakness. Several people prefer to stay in denial. Their logic goes something like this: If you don't admit you've done anything wrong, then it's almost like not doing anything wrong at all. If there is no admission of fault, then there is no need to take responsibility. If it were only that easy! Some view giving an apology in very black-and-white terms. Giving an apology is like being the "loser" and the person receiving the apology is the "winner." Too many barbers, indeed, will ruin lots of hairstyles. And that is the fate that awaits any investigation into the January 5 Mamasapano massacre of 44 members of the Philippine National Police Special Action Force members in the hands of the Moro Islamic Liberation Front and the Bangsamoro Islamic Liberation Front if conducted by too many entities. As of now, there is already an investigation ordered by President Aquino. Then there is the investigations called by the House of Representatives and the truth commission being proposed by the Senate. There too are the investigations by both the PNP and the Armed Forces of the Philippines. Not to be outdone, the MILF is also doing its own investigation. The Human Rights Commission is also investigating, it said so itself. If there is anything that is certain to emerge from all of these investigations, it is that there will be no single truth that will emerge. There will be as many versions of the truth as there are bodies and agencies are investigating. What will emerge will be a cacophony of discordant voices each proclaiming its own version to be the accurate one. What will ultimately be achieved is further discord and disunity. There will only be resentment by those who will feel their versions are being discarded in favor of somebody else's. More that finding out the truth about what happened there will only be further obscuring of the real facts surrounding one of the worst law enforcement debacles this country has seen. Actually, this country need not go down that road. This country need not even conduct an investigation, knowing full well that, with so many versions waiting to be aired, there can be no unifying narration of the events that led to the tragedy. So what does this country need to do in lieu of an investigation so that the matter can be put to rest and everybody gets to move forward. There is only one thing that can be done in that direction. And that one thing is for the president to man up to his responsibilities. President Aquino has already admitted earlier to having known about the operation. He has admitted having been in the know about the whole thing from the beginning. What he did not say but can be read between the lines is that he was, in fact, on top of the whole thing. Apologies aren't supposed to be easy. They are supposed to be soul-baring. That's why, when done right, they are so powerful and rehabilitative. It's hard to admit that we've hurt someone's feelings or caused someone pain, whether it's intentional or not. It's also hard to see ourselves in a less-than-positive light. It requires taking off the blinders we wear and facing our flaws. In the end, making things right is way more important than being right. Patuloy ang pagsasalimbayan ng mga ungol sa silid na iyon. Marahan kong inilakad ang mga paa ko patungo sa bintanang magbibigay daan upang makita ko ang ganap. Palakas ng palakas ang tunog. Ngunit hindi sa tainga masakit- sa puso. Ang gamu-gamong pagala-gala sa tanglaw ay napaso. Hindi dahil bata pa siya at walang muwang kun’di hindi nakinig sa bilin ng kanyang ina. Pasaway. Suwail. Kaya’t ang kinahinatna’y pagkasilab ng kanyang pakpak. Tuluyan siyang hindi nakalipad, tuluyan siyang nabilanggo sa lapag. Nang tinanong ko ang gamu-gamo kung bakit hindi niya sinunod ang utos ng kanyang ina na huwag lumapit sa apoy, umiyak siya. Normal lang ito. Ngunit nang ulitin ko ang tanong, ang sagot niya’y hindi raw kasi niya naiintindihan ang sambit ng kanyang ina. Kabilang sa mga pinagdaanan ng Perlas ng Silangan ang pagkakaroon ng wikang magbubuklod sa lahat. Wikang magiging sentro ng pagkakaintindihan. Wikang gagamitin bilang midyum o behikulo sa pakikipag-komunika. Wikang unti-unti nang nasusunog dahilan ng pagiging paking sa sinasabi ng ina. Kung hahayaan, siguradong kalauna’y maglalaho nalang. Paano kung mawalan na ng espesyal na pagtrato ang wikang ginagamit mo ngayon? Matapos ibigay hindi lang ang matamis mong oo kun’di maging dugo ng iyong pagkatao’y, sasaktan ka lang, paiiyakin, hindi na bibigyan ng halaga, maaalala lang kapag malamig o sa madaling salita’y “teyk por granted” ka lang; ibig sabihi’y NA-WIKANG FILIPINO KA! Katulad lamang nang una ka niyang putukan, pumutok din ang isyung pagtatanggal ng asignaturang Filipino sa Kolehiyo bunsod ng bagong General Education Curriculum (GEC) na inilabas sa pamamagitan ng Commission on Higher Education (CHED) Memorandum Order (CMO) No. 20, Series of 2013. Palibhasa’y may kapote kaya’t malakas ang loob na galawin ang nananahimik na kurikulum, ngunit paano kung ito’y butas? Patay kang Filipino ka! * * * Nang aksidenteng mailaglag ng bata ang isa sa suot niyang panyapak sa dagat ay sinadya na niyang ihulog ang isa pa. Hindi dahil sa iniisip niyang kawawa naman ang isa kung wala siyang kasama, ngunit dahil naisip niyang kung sakaling may makapulot ng pares ng kanyang panyapak ay nakatulong siya sa nangangailangan. Ang anekdotang ito ay hindi nagtatapos sa konklusyong iyon ng bata. Lumipas ang ilang araw at may nakapulot sa isa sa pares ng tsinelas sa pampang, kinuha niya ito. Dahil inisip niyang hindi naman din niya ito magagamit dahil walang kapareha, itinapon na lamang niya ito pabalik sa dagat. Ipinamana sa atin ang wikang Filipino sapagkat tiwala silang tatratuhin natin ito ng tama. Umasa silang hindi man ito katulad ng tsinelas na kailangan ng kapareha upang magamit, isusuot natin ito kahit saan. Nakatoka ang mga mamamayan ng bansang ito sa pagpapahalaga at pagpapayabong ng kinagisnang pananalita. Kung tatanggalan ito ng kapangyarihang maituro sa kahit anomang antas sa paaralan, wala itong pinagkaiba sa pagpapaanod ng tsinelas sa dagat. Unti-unting lalayo, maluluma, mawawala. Sa mitsang nakaamba upang sunugin ang pagtuturo ng Filipino sa kolehiyo, hindi lang pagpapalawig ng wika ang maaapektuhan kun’di ang maraming kultura’t kaalamang itinatago ng Pilipinas. Masasabi mang maaari itong pag-aralan sa ibang asignatura, iba pa rin kung tatalakayin ang yaman ng bansa sa sarili nitong salita. Bukod dito, tumutulong ang Filipino upang mas malayang maihayag ng mga estudyante ang kanilang opinyon o kaalaman. Hindi maaaring matali ang dila ng isang propesor o mag-aaral sa paglalahad ng mga paksa sa mismong bansa. Malakas ang panghibayo at nakapasak sa tainga ang pang-ulong hatinig habang nilalayag ang panginain sa kalagitnaan ng duyog. Mapapakunot ang ‘yong noo at mapapataas ang kilay, saka lamang mapagtatanto na hindi sapat ang naituro noong elementarya’t hayskul patungkol sa mga salitang Filipino kaya’t nangangailangang paigtingin ito sa kolehiyo. Hindi dahilan na masyado nang mahaba ang pag-aaral ng sarili nating wika sa elementarya’t hayskul kaya’t walang habas itong ipagkakait sa tesyarya. Mura pa ang wikang pambansa at hindi pa ito ganap na intelektwalisado o nagagamit sa iba’t ibang larangan. Upang maging ganap ang intelektwalisasyon, nararapat lamang na ipagpatuloy ang pagbabahagi nito sa lahat ng antas, lalo na sa kolehiyo kung saan higit na magiging epektibo ito sapagkat may pakialam at muwang na ang mga mag-aaral dito. Lilinangin nito ang kasanayan ng mga estudyante sa paggamit ng wikang pambansa sa intelektwal na diskurso na kinakailangan sa epektibong paggamit nito bilang midyum sa iba pang asignatura. * * * Naisahan ni pagong ang tuso niyang kaibigang si matsing nang sabihin niyang hindi siya marunong lumangoy at takot siya sa tubig. Nang makalangoy ang una palayo sa gulat na kaibigan ay tumungo siya sa lugar kung saan akala niya’y magiging masaya siya. Patuloy siya sa paglalakbay. Patuloy sa paghahanap ng mga bagay na sa tingin niya’y kukumpleto sa kanya. Ngunit wala, hindi, (iling). Ang paglayo niya sa nag-iisa niyang kaibigan ang naging dahilan kung bakit siya malungkot at miserable. Madalas binabago ng tao ang mga bagay dahil nais nila ng kaibahan. Ang nagiging problema lamang ay nababago rin ang mga bagay na maayos na, na sa kagustuhang mapagbuti pa lalo ay bumabalikwas ito sa nais na pagtagumpayan. Sa huli’y nagiging talunan ang nang-iiwan, ang kumakalimot, ang bumabalewala. Sa huli’y naituturing panalo ang may natutunan. Balik sa kasong pagtanggal ng Filipino sa kolehiyo, huwag na sanang hintaying maging talunan bago mapagtantong kailangan ng wika ang Pilipinong hindi siya ipagsasawalang-bahala sa kahit anomang lebel ng karunungan. Patuloy ang pagsasalimbayan ng mga ungol sa silid na iyon. Marahan kong inilakad ang mga paa ko patungo sa bintanang magbibigay daan upang makita ko ang ganap. Palakas ng palakas ang tunog. Hanggang sa masilayan ng dalawa kong mata ang mga estudyanteng kayumanggi ang kulay, itim ang buhok at hindi katangusan ang mga ilong na iba ang pananalita. Mukhang kinalimutan na nila ang sinabi kong higit pa sila sa hayop at malansang isda kung hindi mamahalin ang sariling wika. Masakit maiwanan. Lalo na kung ibinigay mo na ang lahat at siya na ang ginawa mong mundo. Na sa isang iglap, sa kung anomang dahilan, wala na ‘yong mundo mo. Naiwan ka nalang na palutang-lutang sa malawak na espasyong walang direksyon o kahit ano. Mistulang tinangay ang buong buhay mo. Walang natira sa’yo, kahit awa sa sarili. Araw-araw kang malungkot. Gabi-gabi kang umiiyak. Na kung minsan ay magigising ka nalang at mararamdamang durog na durog ang puso mo. Masakit maiwanan, lalo na kung totoong mahal mo. Pero mas masakit ang mang-iwan, dahil mundo ang magagalit sa’yo. Hindi lang ‘yong taong nasaktan mo ang apektado kun’di pati mga taong nakapaligid sa inyo noong hindi pa kayo hanggang sa magkapalagayan na ang loob niyo. Hindi lang siya ang nasaktan bagkus lahat ng nagmamahal sa kanya. Hindi lang siya ang nanghihinayang dahil may pagkadismaya ring nararamdaman ang mga saksi sa istorya niyong inaasahan nilang may happy ending. Samakatuwid, hindi lang siya ang niligawan mo no’n, hindi lang siya ang inihulog mo sa’yo, kun’di pati loob ng mga mahal niya at mahal mo sa buhay. Buong mundo nasaktan mo, at ang masakit pa do’n, walang gustong makinig sa rason mo. Huhusgahan ka, kaiinisan. Sa mata nila ikaw ang masama dahil ikaw ang nang-iwan, ikaw ang nagpaiyak, ikaw ang nagparusa. Walang gustong makinig sa dahilan mo dahil ang iisipin nilang agad ay may iba ka. Magkakaroon sila ng konklusyon na makati ka pa sa balakubak o higad. Na mas masahol ka pa sa mga asong kalye na iba-iba ang tatay ng mga anak. Na mas makapal pa ang mukha mo sa Nokia 3310. At darating sa puntong, hindi mo na maipagtanggol ang sarili mo, dahil sa tatlong dahilan: ikaw ang nang-iwan, ikaw ang nagpaiyak, ikaw ang nagparusa. Wala silang pakialam sa eksplanasyon mo. Tao ka rin naman di’ba? Nasasaktan. Pero dahil nanakit ka, sa tingin ng marami’y dapat lang. Maraming sisimpatya sa kanya. Kailangan niya ‘yon. Mas kailangan niya ‘yon. Lahat aakalaing ayos ka lang naman. Hindi ka naman malungkot kapag umaga, dahil madalas nakikita ka nilang ngumingiti’t tumatawa. Hindi ka naman umiiyak sa gabi, dahil mukha kang masaya sa status mo sa facebook o twitter. Hindi ka naman nagigising tuwing madaling araw at natutula dahil naiisip mong wala na siya. Hindi mo naman nararamdaman ‘yong pakiramdam ng naiwanan, pinaasa, sinaktan. Hindi mo naman nararamdaman ‘yong nararamdaman niya. ‘Yon ang paniniwala nila. Ikaw kasi ang nagpaiyak kaya ang akala nila ay nagtatampisaw ka sa batyang nag-uumapaw sa kaligayahan. Masaklap. Hanggang sa maisip mong sana nga’y nalunod ka nalang sa inaakala nilang kasiyahan. “At least one Filipino commits suicide every day.” Ayon pa sa Natasha Goulbourn Foundation (NGF), karamihan sa mga kasong pagpapakamatay ay dahil sa depresyong dulot ng kanilang miserableng buhay-pag-ibig. Mga iniwan, pinagpalit, inabuso, niloko o pinaasa. Sa kabilang banda, nangunguna parin sa listahan ng rason ng pagkitil sa sarili nilang buhay ang depresyon dulot ng bullying. Na kung tutuusin ay nararanasan ng mga taong nang-iwan dahil sa mapang-matang husga ng lipunan at barado nilang tainga sa rason ng kinikilala nilang kontrabida. Ang alam lang naman kasi nila ay ‘yong kuwentong alam lang nila, ngunit ‘yong alam mo, maaaring hindi na nila gustong malaman, dahil ang gusto lang naman nilang paniwalaan ay ‘yong gusto nila. Sa huli, hindi mo naman sila kailangang pilitin na maniwala sa eksplanasyon mo, ngunit hinihiling mo lang na mailabas kung anong dahilan mo sa bagay na kinakikitaan nila ng hindi maganda. Bakit ka nga ba nang-iwan? Bakit mo siya pinaiyak? Hindi mo ba siya mahal? Paano ba nila nalamang hindi mo na siya mahal? Alam ba nilang araw-araw kayong dumadaan sa mga pagsubok? Na gabi-gabi kayong umiiyak sa isa’t isa, at nakikiusap na maging kayo pa kahit na hindi na nakakabuti sa indibidwal niyong buhay? Na dahil ikinulong ng isa sa inyo ang mundo niya sa mundo ng isa pa, dumating nalang sa punto na parang may nasasakal na? ‘Yong tipong ayaw niyong bitawan ang isa’t isa pero kailangan na dahil hindi niyo na nasusunod ang layunin ng pakikipag-relasyon kung saan dapat hindi sakit kun’di saya ang idudulot niyo sa isa’t isa. Hanggang sa dumating na rin ang puntong nawawalan na ng direksyon ang kanya-kanya niyong buhay. Na parang dati na may gusto kang gawin, may gusto kang maabot pero dahil ikinulong ka niya sa kan’ya, pakiramdam mo isa kang paru-paro na may pinasukang silid ngunit hindi na nakalabas buhat nang kabigin niya pasara ang lagusan. Alam ba nila ang dahilan mong hindi na kasi umaayon sa plano ang lahat? Na wala naman talaga sa planong ikulong niyo ang isa’t isa? Matatagalan pa bago maka-move on ang naiwan. Minsan buwan, minsan taon bago siya makalimot. Marahil malilimutan niya ang mga nangyari, malilimutan ka niya, ngunit mayroon ka paring naiwang marka sa puso niya- peklat mula sa sugat ng mga salitang pamamaalam na hindi niya inaakalang kaya mong bitawan. Kapag dumating ang araw na ‘yon, magsisisi ka. Babalikan ang nakaraan. Maaalala ang mga masasayang parte at muling babaybayin ang mga pamamaalam na salitang hindi mo naman dapat sinabi sa kanya. Mababaliktad ang mundo. Lahat ng pinagdaanan niya buhat nang mawala ka ay mararanasan mo. Hahanap-hanapin mo siya. Magiging tahimik ka sa araw, iiyak ‘pag gabi. Magigising ka sa madaling araw na sobrang bigat ng emosyong nararamdaman mo. Hahanap ka rin ng taong makikinig sa kalungkutan mo. Mahihilig ka sa mga pelikula at librong gagawin mong inspirasyon para makapag-simulang muli. Hindi na sapatos o damit ang hihilingin mo kapag natyempuhan mo ang 11:11, kun’di mawala na lang ‘yang sakit sa pusong nararamdaman mo. Mapupuno rin ng sticky notes na may nakasulat na “move on” ang kwarto mo at ‘yon na ang magiging goal mo araw-araw. Susubukan mong magpakalunod sa alak, ibaling ang atensyon sa iba, gawing abala ang sarili. Hihingi ka ng tulong. Ikaw naman ang magiging miserable, at ang mas masakit, nakikita mong masaya na siya kahit wala ka. Saka palang mababanggit mo ang kupas ngunit subok nang katagang “nasa huli ang pagsisisi.” Nakakangiti na siyang muli samantalang ikaw, niloloko mo parin ang sarili mo na masaya ka. Malaya na siya, samantalang ikaw, mistula paring paru-parong nakakulong sa silid na bukas naman ang pinto’t bintana ngunit hirap kang tumungo rito. Nagagawa na niya ang mga bagay na gusto niya, samantalang ikaw, naghihintay at umaasang mahal ka parin niya. Na sa kabila ng pang-iiwan mo sa kanya ay tatanggapin ka parin niya kapag bumalik ka. Lulunukin mo ang pride mo at susubukang humingi ng isa pang pagkakataon. Mararanasan mong mabalewala. Mararanasan mong mabasura. Mararanasan mo lahat ng naranasan niya noon. Nag-move on siya dahil akala niya’y tuluyan mo na talaga siyang tinalikuran, pero ang totoo, humakbang ka lang naman palayo ngunit hindi mo inalis ang tingin mo sa kanya. Maiisip mo na lamang na tama at dapat lang na maranasan mo kung gaano kasakit ang mga pinagdaanan niya bago siya muling nakatagpo ng buhay. Mahirap din kasing sumugal. Baka masaktan mo lang siyang muli. Baka hindi pa tamang panahon o kaya maling pagkakataon, tulad ng dahilan ng maraming magka-relasyong sa hiwalayan nagtapos ang kwento. Kaya’t tatanggapin mong hindi talaga kayo ang nakalaan sa isa’t isa. Tatanggapin mo na lang na masaya na siya gaya ng pagtanggap mo sa karmang dinaranas mo. Parang sa larong hilahang-lubid. Bibitaw ka na sa lubid dahil ang pagbitaw dito ay hindi naman nangangahulugan ng pagkatalo. Ang pagbitaw kung minsan ay pagpapaubaya ng kasiyahan sa iba. Ito ay pagtanggap na mahalaga ang ngiti ng ibang tao kaysa sa sarili mong saya. Sa pagkakataong hindi mo inisip ang sarili mo bagkus ay isinaalang alang ang iba, hindi ka talo. Masakit maiwanan. Lalo na kung ibinigay mo na ang lahat at siya na ang ginawa mong mundo. Na sa isang iglap, sa kung anomang dahilan, wala na ‘yong mundo mo. Naiwan ka nalang na palutang-lutang sa malawak na espasyong walang direksyon o kahit ano. Mistulang tinangay ang buong buhay mo. Walang natira sa’yo, kahit awa sa sarili. Araw-araw kang malungkot. Gabi-gabi kang umiiyak. Na kung minsan ay magigising ka nalang at mararamdamang durog na durog ang puso mo. Masakit maiwanan, lalo na kung totoong mahal mo. Pero mas masakit ang mang-iwan, dahil sarili mo ang magagalit sa’yo. Shift ; Nasilayan ang mundo. Tumambad ang ganda at saya. Nagpatuloy sa pagsilay. . . Labing-pitong taon ko nang minamasdan ang mundong kinamulatan ko. Unti-unti itong nagbabago sabay sa pag-ikot nito. Mula sa simple at magaan ay nagiging kumplikado at mabigat. Sa bawat taong idinaragdag sa aking buhay ay nadaragdagan rin ang posibilidad ng hirap at pagsubok na maaaring magpabagsak o magpatatag sa akin. Kung minsa’y napapapikit na lang ako at umaasang sa pagmulat ay maayos na ang lahat. Bakit ba may problema? Bakit hindi na lang puro saya? Pera, pag-ibig, itsura. Ito ang kadalasang problema ng mga tao. Mali. Problema ng mga hindi na bata. ‘Yung may isip na sa paghahangad. ‘Yung bukod sa pag-iyak ay kaya ng gumawa ng hakbang para makuha ang gusto. ‘Yung hindi napapatahan ng kendi at laruan. Kung minsan naiisip ko, bakit hindi na lang ginawang perpekto ang lahat? Walang problema. Parang mga paslit na walang iniintindi, laging nakadepende sa magulang. Masugatan man sa paglalaro, mayroong agad kakalinga. Kapag may gusto, iiyak o magmamaktol lang para mapagbigyan. Simple ang buhay, magaan. Sa panahon ngayon, ang hirap maging masaya. Lahat na lang kasi ng bagay; ultimong pagpili ng damit o paghahanap ng palabas sa telebisyon ay pinoproblema. Maliit na bagay na makaaapekto ng malaki sa mood, pananaw at oras ng indibidwal. Anong dahilan? Gusto nilang maabot ang pamantayan nila. Mula rito’y makukuntento sila at mapapasama sa mga taong matatawag na masaya. Simple lang. Pero may proseso. Parang eksam. Maghihirap ka muna bago makakuha ng mataas na marka. Kailangan laging ganito. Hindi pwedeng masaya ka na lang bigla. Ibang usapan na ‘yun ‘pag ganoon. Sa bawat ngiti ay may dahilan. Ganoon rin naman sa bawat luha. Sabi nga ni Marcelo Santos III, isang sikat na blogger: ang magiging reaksyon ng tao ay trabaho ng paligid niya, ang trabaho ng tao ay kung paano tatanggapin ang nakita, narinig, naamoy, nalasahan o naramdaman niya. Sa huli’y dalawa lang naman ang epekto- saya o lungkot. Ang problema rito ay kung paanong saya ang mananaig. Laging may problema bago ang saya. Laging may pagsubok bago ang tagumpay. Laging may hirap bago ang sarap. Wala nga namang libre sa mundo. Kung hindi ito binabayaran ng pera, babayaran mo naman ito ng pagod. Para maramdaman mo ang isang bagay, kailangan mo munang maramdaman ang kabaligtaran nito. Gusto mong makaramdam ng saya dahil walang klase? Mag-aral ka ng mabuti, nang sa ganoon ay pahalagahan mo ang isang araw na walang pasok dahil makakapagpahinga ka. Hindi tulad nang hindi ka talaga pumapasok. Wala ng impak sa pakiramdam kapag nalaman mong walang pasok o suspendido ang klase o wala ang teacher. Para maramdaman mo ang saya, kailangan mo munang maramdaman ang hirap. Nang sa gayon ay malaman mo ang kaibahan ng dalawa. Hindi mo naman kasi malalaman ang kahalagahan ng isang bagay kung hindi mo alam ang mga posibilidad na nakapaikot rito. Lahat naman may problemang kinakaharap. Kahit pala mga bata. ‘Yung mga pakalat kalat sa kalye. Dinaranas nila ang hirap bago makakain. ‘Yung mga walang magulang. Walang kakalinga kapag nasugatan sa paglalaro, walang magbibigay ng gusto nila kahit magmaktol o umiyak pa. Pero kahit ganito, marami sa kanila ang makikitaan mo ng ngiti dahil sa piraso ng kendi o laruang natanggap nila. Kuntento. Alam na kasi nila ang pakiramdam ng walang wala kaya’t sa maliit na bagay gaya nito ay sumasaya sila. Wala nga namang perpekto sa mundo, pero malalaman mo ang tunay na depinisyon nito kung dumaan ka sa hirap at nakamit mo ang saya. Nasilayan ang mundo. Tumambad ang kakulangan at kumplikasyon. Tinapatan ng kurba sa labi. Shift 0 Magli-limang oras na ‘kong naghihintay para ma-interbyu ang isang pulitiko para sa ginagawa ‘kong article, ngunit sa pagkakataong ito’y tinangggap kong may mas nararapat sa’king mauna, tinanggap kong hindi ito oras para ipaglaban kung anong lagi kong ipinaglalaban- na mas importante ang trabaho ko, na mas may kabuluhan ang ginagawa ko. Mapang-husga. Tumataas ang tingin ng tao sa kanyang sarili dahil nakita niyang mas maayos ang suot niya kaysa sa mga taong nakapaligid sa kanya. Agad pumapasok sa pagkatao ang kayabangan dahil nahusgahan na niya ang pisikal na katayuan ng iba. Laging ikinukumpara ang sarili sa mga taong sa una palang ay tinangggalan na niya ng pag-asang makalamang sa kanya. Kaya’t ang resulta’y siya ang panalo sa labang siya rin ang hurado. Maraming natatanggalan ng karapatang ipagtanggol ang sarili nila dahil palihim ang paraan ng pagkitil sa kanilang pagkatao. Parang pinagbintangang gumawa ng krimen at walang kaalam-alam na bukas ay bibitayin na pala. Sa palagay ko’y ito ang pinakamasakit na paraan ng pagpatay sa isang tao dahil hindi man lang siya nabibigyan ng pagkakataon na ipagtanggol ang sarili niya sa mapang-matang pag-iisip ng iba, hanggang sa tuluyan siyang mawalan ng hininga at mabaon sa maling hukay. Kung ganito man, hindi lang pala sa baril o kutsilyo delikado ang buhay ng marami. Maaari ring makasira ng buhay ang de-kalibre at matalim na husga ng tao sa’yo, kilala mo man o hindi. Laging may kaakibat na pwersa ang mga pagkakataon at pinipilit ng tadhana na laging balanse ang bawat sitwasyon. Kung minsa’y ang mga positibong bagay ay sanhi rin kung bakit nagkakaroon tayo ng negatibong asal. Tulad ng karangyaan, kapangyarihan, mental na abilidad o pinagpalang pisikal- mga bagay na positibo sa paniniwala ng marami at hinahangad ng ninoman ngunit ‘pag nakamta’y nakakalimutan ang panloob na aspeto ng katawang-tao. Kung minsan sa paghahangad na maging perpekto sa harap ng kapwa niya, nalilimutan ng taong maging mabuti, nalilimutan niyang ang pagiging perpekto ay nasa malinis na pagkatao. Isang kasalanan daw ang paghahangad ng higit pa sa sapat. Ngunit kailan ba nalalamang sapat na ang isang bagay? Kapag umaapaw na ang tubig sa isang timba? Kapag hindi na magkasya ang mga letra sa isang papel? Kapag wala nang espasyo para sa isa pang pasahero? Masama bang hindi kuntento ang tao sa kung anong mayroon siya, sa kung anong nalalaman niya? Paano pala kung nakuntento ang tao sa kuwentong isang panig lang ang nag-bida? Hindi na inalam ang panig ng kabila dahil para sa kanya’y umaapaw na, hindi na magkasya at wala nang espasyo para sa iba pang impormasyon? Kaawa-awa naman pala ‘yong taong hindi nakapagpaliwanag dahil nahusgahan na siya, nasiraan na. Ang pagiging sakto ay hindi pagiging kulang o sobra. Mali kasi ang oryentasyon sa tao na makuntento sa kung anong mayro’n siya. Mali rin ang pag-intindi sa depinisyon ng kulang at sobra. Nagiging kulang at sobra ang mga bagay kapag hindi naaayon ang lahat- sobra sa kakulangan, kulang sa kaayusan. Ang pagiging sapat ay pagiging tama. Hindi tama kapag may naaagrabyado, hindi tama kapag may nalalamangan. Ang sabi ni Sigmund Freud, isang tanyag na psychologist, likas sa tao na pansinin ang mga maling kilos ng kapwa niya dahil ito ang paraan niya upang iangat ang kanyang sarili sa iba. Kapag hinusgahan mo ang isang pagkain dahil sa amoy o itsura nito, hindi mo na ‘to tatangkaing kainin pa. Kapag hinusgahan mo ang isang tao base sa mga hikaw niya sa mukha at burdadong katawan, maaaring hindi mo na siya lapitan pa. Tama lang naman na unahin ang kaligtasan, ngunit sa kabilang banda’y nakapanghusga ka parin, na para bang isa kang sagradong deboto ng kung anomang relihiyon na nagagawang husgahan ang mga hindi nakaayon sa kanyang paniniwala. Una sa lahat, sarili lang ang kinikilalang tama, sarili lang ang pinaniniwalaang mapupunta sa langit. Ilang beses ka na bang nakapam-batikos? No’ng marinig mo ang isang maskuladong lalaki na nakiabot ng bayad sa’yo at malamyang nagsambit ng “pakiabot po”, inisip mo na agad na maaaring bading siya. Nang makita mong nag-post ang isang babae ng mga naka-two-piece na retrato, inisip mo na agad na maaaring pokpok siya. Nang minsang nagmura ang bata, inisip mo na agad na nanggaling siya sa imoral na pamilya, lasenggero ang tatay samantalang sugalera ang nanay. Nakukuntento ka kasi sa kung ano lang ang nakikita mo, sa kung ano lang ang naririnig mo. Ibinabase mo lang lagi sa konklusyong nililikha ng isip mo. Maaaring wala ka lang pagkakataong kilalanin ang mga taong nakikitaan mo ng maling gawa, ngunit hindi ibig sabihin no’n ay wala ka ring pagkakataon upang kilalanin ang sarili mo sa kung bakit mo ba sila hinuhusgahan. Sa pag-aakala mo kasing lamang ka sa kanila sa maraming aspeto base sa nakikita mo ay may karapatan ka ng batikusin ang bawat galaw nila, ngunit lingid sa kaalaman mo na kapag nang-husga ka ay mas masahol ka pa kaysa sa mga taong inaasahan mong makasalanan. “Only God can judge us, forget the haters, ‘cause somebody loves you.” Nagmula ang katagang ito sa kanta na naging status ng mararaming kabataan sa social networking sites kasama ang mga retrato nilang kadalasan ay pagpapahayag ng kawalang-bahala sa itsura nila- kung minsa’y kulang ang tela ng damit, at kung minsa’y may hawak na sigarilyo o alak. Sa puntong ito’y may katwiran ang pahayag na Diyos lamang ang maaaring humusga sa kanya, dahil totoo namang darating ang araw na Diyos ang huhusga sa mga nilalang Niya. Dito palang ay mapagtatanto mo nang kahit Diyos pala ay marunong humusga, ngunit ang kaibahan nito sa ati’y, alam ng Diyos ang bawat anggulo ng istorya ng pagkatao ng isa; hindi tulad natin na tanging harap lamang ang nakikita, walang pakialam sa likod ng bawat kwento. Kailanma’y hindi nakakataas ng estado ng pagkatao ang pangmamaliit sa iba. Hindi nakakadagdag ng ganda, ng talino o ng yaman ang pagbababa sa kung anomang mayroon ang kapwa mo. Bumabalik lamang ang panghuhusga sa pagkatao mo sa t’wing magbibitaw ka ng konklusyong wala namang basehan, o kahit may malaking basehan, hindi mo parin alam ang tunay na dahilan ng mga taong mas pinili mong pagtuunan ng panahon para husgahan imbis na intindihin. Ang panghuhusga sa kapwa ay hindi nagpapakita kung sino siya, ang panghuhusga sa kapwa ay nagpapakita kung sino ka. Sa huli, lahat naman tayo ay nakaranas na ng ganito- nanghusga at nahusgahan. Sa huli, nakasakit at nasaktan na tayo dahil dito. Ngunit sa huli, hindi ito ang magsasabi kung sino ba talaga tayo. Ang alam lang naman kasi nila ay ‘yong kuwentong alam lang nila, ngunit ‘yong alam mo, maaaring hindi na nila gustong malaman dahil ang gusto lang naman nilang paniwalaan ay ‘yong gusto nila. Sa pagtatapos, hindi mo naman sila kailangang pilitin na maniwala sa eksplanasyon mo, ngunit hinihiling mo lang na mailabas kung anong dahilan mo sa bagay na kinakikitaan nila ng hindi maganda. Magli-limang oras na ‘kong naghihintay para ma-interbyu ang isang pulitiko para sa ginagawa ‘kong article, ngunit sa pagkakataong ito’y tinangggap kong may mas nararapat sa’king mauna, tinanggap kong hindi ito oras para ipaglaban kung anong lagi kong ipinaglalaban- na mas importante ang trabaho ko, na mas may kabuluhan ang ginagawa ko. Pinauna ko ‘yong mga taong nanghihingi ng tulong, ‘yong ilang araw nang umaasa’t naghihintay. Gusgusin sila, payat ang pangangatawan, mukhang maraming problemang pinapasan. Hinusgahan ko sila ngunit tiningnan ko ang bawat anggulo, binusisi ko. Mas kailangan nila ang oras no’ng pulitiko. Mas may kabuluhan ang sadya nila dahil mas nangangailangan sila. Hinayaan ko sila. Naghintay nalang ako. ‘Di hamak namang mas importante ang buhay kaysa dito sa pakay ko. Kasing dami ng OOTD posts sa social networking sites ang mga nagrereklamong mahirap pa daw sa daga ang Pilipinas. Wala raw pagbabago. Mula sa nagkukumahog na mga empleyado hanggang sa mga naghihikahos na mamamayan ng bansang kinabibilangan natin, ang reklamo, walang pagbabago. Gaano nga bang katotoo na walang pag-unlad ang bayang tinitirhan ng mga taong ito? Madalas akong mag-browse ng mga posts sa facebook. Mga litratong labas ang dila, nakalobo ang pisngi, nakasingkit ang mata- hindi nila intensyong magpatawa, pero sadyang wacky faces lang talaga ang trip nilang ipakita sa buong mundo. Repleksyon ito ng mga taong tila mga walang problema. Repleksyon ng mga Pilipinong pinapatunayang masayahin talaga ang lahi nila. Karaniwan ko ring napapansin ang mga posts ng mga pagkain o lugar na para bagang first time lang natikman o napuntahan. Wala namang masama dito. Hindi rin naman kasi ako sigurado kung first time nga lang ba nila o basta’t gusto lang nilang ipost. May kalayaan naman kasi tayo dito. Hindi mo ‘ko pwedeng diktahan, hindi kita pwedeng husgahan. Pero ang natural sa tao? Marunong mandikta at marunong humusga. Kamusta naman ang mga kabataang nagpopost ng mga photos nila ng syota niyang 13 years old? Malala pa kung hindi pa man natatapyasan ng balat ‘yung lalaki o dinadatnan ng pulang likido ang babae, pero may lovelife na. Astig di’ba? Age doesn’t matter nga naman. Kaya hindi na rin nag-ma-matter ang buhay kapag break na sila. ‘Yung mga tipong posts na, “I may be smiling, but inside I’m dying.” Ganoon ang depinisyon ng buhay ngayon. Mahirap na nga ang bansa gaya ng sabi ng marami, pero marami rin ang inuuna ang lovelife bago tapusin ang pag-aaral. Kawawa naman pala si Pinas. Wala raw pagbabago. Siguro nga wala. Mula sa mga salitang mapapalipit ang dila mo kapag binasa mo, hanggang sa mga punctuations na minsan nasa una at madalas doble doble; wala ngang pagbabago. Astig ba kapag ganu’n? Kakaiba, oo. Pero kailanman, hindi maganda sa paningin. Katunayan lang na pati ang wika ng bansang ito ay semplang na. Gaano ba kahirap buuin ang mga pangungusap? Kasing hirap bang mawalan ng mahal sa buhay dulot ng bagong Yolanda? Kasing hirap bang pagtaksilan ng mga sariling pinuno at pagnakawan ng milyon milyon? Hindi naman siguro di’ba? Madali lang mag-type sa indemand na touch screen phone nagyon kaya’t ‘wag mahihiyang magconstruct ng sentence na buo. Reklamo duon, mura dito. ‘Yung mga tipong ‘Damn”, “Bitch”, “Fuck” lang naman ang kayang inglesin. Ang sakit sa pusong makita ‘yung mga ganu’ng status. Makapag-english lang, maipakita lang na may alam siya, na kahit hindi naman kaaya-ayang salita e ipopost pa. Hindi naman masamang magpost e, basta ‘yung underrated naman sana. Kaya minsan hindi rin talaga nakakabuti ang freedom of speech, lalo na kapag makakasakit ka ng damdamin ng iba, na gaya nalang nitong speech ko, sana walang nasasaktan; dahil una sa lahat, nagtitiis din naman ako. Ang dami dami talagang nagrereklamong mahirap ang Pilipinas, pero marami din namang excited sa concert ng 1D; ‘yung tipong hindi na nag-enroll para sa susunod na sem para lang makabili ng ticket. Hindi ako against sa kanila, pero kailan ba mabibigyan ng hustisya ang edukasyong mismong mag-aaral ang naglalayo dito? Itinuring tayong pag-asa ng naghihirap na bayan, hindi pag-asa ng ibang bansang mayayaman para lalo pa silang yumaman. Ano ba talagang gusto kong ipaglaban dito? Bilang isang kabataan, oo, malaya tayong gawin ang mga gusto natin. Masarap ipaalam o ipagsigawan sa buong nasyon na “YEHEY! Nakakain na ‘ko ng J. Co”, Yes! Nandito ‘ko ngayon sa E.K!”, “Finally, tuyo na ang favorite underwear ko!”, “Hindi ako nakikinig habang nagtuturo si ma’am!” Ang sarap ibalita na nagagawa mo ang mga bagay na hindi naman nagagawa ng marami, o astig sa paniniwala mo. Nakakaluwag sa loob na nasabi mo sa mga taong wala namang pakialam kung anong na-achieve mo ngayong araw. Walang masama dito. Ang totoo? Kadalasang nagrereklamong mahirap ang buhay dito sa bansa, mga nanay at tatay natin. Pero kung iba-browse mo ang maraming social networking sites, magdududa ka kung mahirap nga ba talaga ang buhay ngayon. Siguro dahil gusto nating ipakita na masaya tayo, maginhawa ang buhay natin; kahit pa out-of-the-PC, pagod na si nanay o si tatay sa kakahanap ng ipanloload natin. Nakakasuspetya dahil mukhang nakakakain naman tayo ng tatlong beses sa isang araw, o minsan higit pa. Ang kadalasang problema lang naman kasing nakikita natin sa status- lovelife, failed grades, slow connection, empty battery. Patunay lamang ito na ibang mundo nga ang nasa computer. Ang mabigat sa reyalidad, nagiging astig lang kapag pinost na, basta marunong kang mag-like ng iba, dudumugin na rin ng likes ang status mo. Mahirap ang buhay sa Pilipinas, pero sa kabila nito, positibo parin pala ang nagiging repleksyon ng buhay natin sa facebook, twitter o instagram. Sa huli, as long as wala kang natatapakang tao, may karapatan kang ipost anuman ang papanaw mo sa buhay. Nagiging sandalan ng bawat kabataan ang social networking sites para ipakita ang ngiti nila sa likod ng mga nakadagang problema. Kung kaano-ano ba ni Dora si internet, matalik na kaibigan. Ibinigay mo lahat, pinilit mo kahit mahirap. Hanggang sa hindi mo na talaga kaya. Parang pakikipag-hilahang lubid lang na nakahanda kang ibigay ang lahat ng lakas na mayroon ka para lang hindi matalo. Pinipilit mong hindi mahila hanggang sa linyang iniisip mong simbolo ng kahinaan. Wala ka nang pakialam sa kung ano na bang itsura mo o kung paano ka pinagtatawanan ng mga nakapaligid sa’yo dahil sa pagiging desperado. Nakatuon ka kasi sa tagumpay, sa pagkapanalo laban sa kung kanino man o kung sa ano man. Pero dumarating sa puntong mangangawit ang brasong masyado nang naabuso, iinit ang mga palad dahil sa nagbabadyang sugat, susuko ang mga binting nangangatog. Darating sa puntong bibitaw ka, sa puntong tatanggapin mong ito na ang katapusan ng laban at ikaw ang dehado. Kung paano mo sinabi no’ng una na kayang kaya mo ang kalaban, gano’n mo rin aaminin sa huli na hindi mo inaasahang gano’n ka pala kahina. Kadalasan kasi, sa pag-aakala mong sapat na ang kakayahan mo, nakakalimutan mong gano’n din ang tingin ng kalaban mo sa kanyang sarili; ang kaibahan nga lang, mas handa siyang talunin ka kaysa sa handa kang isigaw na ikaw ang panalo. Nalilimutan mong mayroon ding naghahangad sa tagumpay na ipinaglalaban mo. Nalilimutan mong hindi lang ikaw ang ayaw matalo. Ngunit ang isa pang mahirap dito, paano kung ang kalaban mo ay ang sarili mo? Mismong ikaw pala ang tumatalo sa sarili mo dahil gusto mong manalo. Tinatalo mo ang kaduwagan, ang kahinaan, ang kamalasan na dumadaloy sa pagkatao mo. Nagkakarambola ang mga desisyong nagpapahirap sa mismong ikaw. Kalaban mo ang sarili mo at kasalukuyan kang nasa ring na ikaw ang pula at ikaw din ang puti. Sa eksam, mas pabor ang multiple choice sa mga estudyanteng hindi nag-review. Mas malaki kasi ang pag-asang pumasa dahil may choices. Kung sakaling matyambahan ang sagot, swerte. Kung kadalasa’y may mga pattern pang sinusunod kung wala talagang alam sa tanong. Umaasa na nilikha talagang may pattern sa mga letrang pagpipilian dahil ayaw ding mahirapang mag-check ng prof. Pero taliwas sa buhay, walang pattern at walang tyamba. Nakasalalay sa desisyon mo ang magiging resulta ng bawat sitwasyon. Ang multiple choice sa eksam ay dahilan din ng pagkalito at pagbagsak ng maraming estudyante ngunit sa reyalidad, hindi nakakalito ang mga desisyon kung isinasaalang-alang mo ang mas tama at makabubuti para sa’yo at sa kapwa mo. Kapag isinaalang alang mo ang bukas, malalaman mong tama ang pinili mo dahil nasa hinaharap ang resulta ng kasalukuyan. Katulad lang din sa eksam; kapag nag-review ka, multiple choice man ‘yan, hindi ka na malilinlang dahil alam mo kung ano ang tamang sagot. Gaya ng eksam na may multiple choice, may desisyon ding ginagawa sa hilahang-lubid. Kailangan mong magdesisyon kung bibitaw ka na ba o lalaban pa. Ang mahirap dito, dalawa pala ang kalaban mo: ang humihila sa’yo, at ang sarili mong gusto nang sumuko. Mahirap mag-isa. Mahirap kung may parte sa katawan mo na gusto nang sumurender. ‘Yong tipong tinatraydor ka na ng sarili mo. ‘Yong kaninang “all for one, one for all” na sigaw ng pagkatao mo ay bigla nalang humina at unti-unti nang nawawala kasabay ng pagdausdos mo papunta sa linya ng pagkatalo. Gusto pa ng isip mo pero ayaw na ng katawan mo. Malapit ka ng sumuko. Pinagkaisahan ka na ng sarili mo. Ilang sandali nalang ay bibitaw ka na at mararamdaman ang hapdi sa palad mo at daing ng buong ikaw. Nang makita mong malakas pa rin ang kalaban habang ikaw ay hinang hina na, tuluyan na ring manlalambot ang pag-asa. Hanggang sa tatangayin ka na ng pwersang taliwas sa gusto mong puntahan. Papalapit ka na sa linya, bibitaw ka na ba? Nang minsan kang nagkamali sa desisyon mo, inisip mo agad na natalo ka dahil mali ang pinili mo. Bumagsak ka sa eksam hindi dahil mali ang pinili mong sagot, kun’di mas pinili mong manood ng TV o matulog kaysa magbalik-aral. Natalo ka sa kumpetisyon hindi dahil pumiyok ka, nagkamali ng step, nalimutan ang linya kun’di dahil mas pinili mong panaigin ang kaba mo kaysa tiwala sa sarili. Maaga kang nabutis hindi dahil kulang kayo sa pag-iingat kun’di dahil mas pinili mong pagbigyan ang laman kaysa isip. Nagkakamali ka hindi dahil pinili mong magkamali, kun’di dahil binalewala mo ang tama. Walang taong gustong magkamali, pero marami ang bumabalikwas sa tama. Hindi intensyonal ang pagkakamali, intensyonal ang pagiging tama. Magdedesisyon ka lang naman dahil nakadikta na ang tama noon pa man. Sa pagbitaw mo sa lubid, hindi ‘yon nangangahulugan ng pagkatalo. Minsan ang pagbitaw ay nangangahulugan ng pagiging malakas. Sa pag-iwas mo sa sigarilyo, sa alak, sa droga; sa pagtigil mo sa malalaswang gawa, sa masasamang salita, sa makasalanang isip, hindi ka talo. Sa pagbitaw mo sa isang bagay na sa tingin mong hindi na nakakabuti para sa’yo, panalo ka. Ang pagbitaw sa lubid ay pagpapaubaya ng kasiyahan sa iba. Ito ay pagtanggap na mahalaga ang ngiti ng ibang tao na idinulot mo kaysa sa sarili mong saya. Sa pagkakataong hindi mo inisip ang sarili mo bagkus ay isinaalang alang ang iba, hindi ka talo. Dahil isa sa pinakamasarap na pakiramdam sa mundo ay ang maiparamdam mo sa iba na masarap ang pakiramdam sa mundo. Sa huli, hindi ka naman bumitaw sa lubid dahil gusto mo, pinakawalan mo lang ang nagpapahirap sa’yo at nagparaya para makapagpasaya ng ibang tao. |
Ron CanimoAn award-winning essayist for his pieces, "Si Tatang" and "Untold Story: Kung Paano Mag-move On ang Nang-iwan." Archives
May 2015
CategoriesPhoto credits to Google
|