ron canimo |
lick to add headline
Binilang ngunit kulang. Kapansin-pansin ang hindi pagdalo ng presidente ng Bulacan State University (BulSU) at ilang miyembro ng pakulti ng College of Home Economics (CHE) sa misa ng pakikiramay na idinaos sa BulSU Activity Center, ika-22 ng Agosto, 5-6 ng hapon. Nangibabaw ang kulay ng itim sa misa para sa pitong estudyante ng Turismo na namatay sa kanilang field trip dulot ng pagkalunod sa Madlum River sa San Miguel Bulacan noong Martes. Nakiramay ang mga estudyante ng unibersidad gayundin ang mga bise presidente nito at ilang miyembro ng pakulti mula sa iba’t ibang kolehiyo. Samantala, hindi dumalo ang presidente ng unibersidad na si Dr. Mariano De Jesus, dekano ng CHE na si Dr. Nerisa Viola, mga guro ng kolehiyong nabanggit at mga ka-batch ng mga estudyanteng nasawi; na kung tutuusi’y mga mahahalagang tao na dapat sana’y higit na nagpakita ng pakikiisa sa misa, ayon kay Jahsmin Vicente, BS HRM 3D. “Iniisa-isa kasi ni president De Jesus ang pagdalaw sa burol ng mga nasawing estudyante gawa nga nu’ng trahedya, kaya kung hindi man natin siya nakasama dito, nandun siya sa pamilya para makiramay. At sa pagkakaalam ko, ganu’n din si Dean Viola,” paliwanag ni Dr. Cecilia Geronimo, Vice President for External Affairs. Kaugnay nito, patuloy parin ang imbestigasyon sa tunay na nangyari sa pamamagitan ng mga nakuhang litrato at mga pahayag ng mga nakaligtas sa trahedya. Gayunpaman, nakahandang magsampa ng kaso ang pamilya ng mga biktima laban sa unibersidad maliban sa pamilya ni Maiko Bartolome- isa sa mga nasawi. “Tinanggap na namin ang pagkamatay ni Maiko at ayaw na ring ungkatin pa. Mas gusto naming mag-move on pare-pareho at magtulungan sa pagpapalaki ng anak niya. Sana irespeto nalang ang desisyon naming ‘to alang alang sa anak niya,” pahayag ni Ochie Bartolome, pinsan ng biktima. Malaking troma naman ang epekto ng trahedya sa mga estudyante ng unibersidad lalo na sa mga estudyante ng Turismo, kabilang na rito ang kasama sa naturang field trip na si Genevie Aspera na naglinaw na wala silang kasamang guro maging ang grupo ng mga nalunod sa ilog. “Humiwalay po kaming section B sa section A nu’ng paakyat ng bundok, wala po kaming mga kasamang prof, tour guide lang po. Nu’ng magkita-kita po kami kung saan nakaparada ‘yung mga bus, nakita nalang po naming nag-iiyakan na ‘yung A. Pati po kami nag-iyakan na at gusto na agad makauwi. Hanggang ngayon natatakot po ako. ” Ang mga biktima ng trahedya ay sina Mary Magdaline Navarro ng Hagonoy, Michelle Ann Rose Bonzo at Helena Marie Marcelo ng Malolos, Jeanette Rivera at Mikhail Alcantara ng Calumpit, Maiko Eleva Bartolome ng Malolos at Valenzuela, at Sean Rodney Alejo ng Obando.
0 Comments
Leave a Reply. |
Ron Canimo18 years old. Archives
May 2015
Categories |