ron canimo |
lick to add headline
Half-mast. Bilang respeto ng Bulacan State University (BulSU) sa pitong estudyanteng namatay dahilan ng pagkalunod sa Madlum River sa San Miguel Bulacan, ikinalahating-pampalo ang watawat ng Pilipinas na nakatirik sa Heroes’ Park ng unibersidad. Dama ang pighati sa loob ng kampo ng BulSU sa pagkamatay ng mga estudyante ng kursong Turismo sa unang taon matapos maaksidente sa isinagawang ekspidisyon ng paaralan. Kabi-kabila ang prayer vigil at misa na dinaluhan ng mga estudyante at empleyado ng unibersidad suot ang mga itim na damit bilang pakikiramay sa pamilya ng mga nasawi. “ Sa ngayon, ito muna ang magagawa natin para sa pamilya ng mga estudyanteng naaksidente. Ang importante ngayon, maipakita natin ang pagkakaisa ng unibersidad at ang pakikiramay sa mga nawalan,” pahayag ni Dr. Cecilia Geronimo, Vice President for External Affairs. Kaugnay nito, kinansela ang mga aktibidad sa labas ng unibersidad gaya ng mga field trips at travel tours, at pinagdedesisyunan ang pagkansela ng Intramurals ngayong taon. Pagkansela ng mga Field Trips Idineklara ni Dr. Mariano de Jesus, presidente ng BulSU na wala munang isasagawang ekspidisyon sa labas ng kampo, gayundin ang pagsasagawa ng pananaliksik sa pinangyarihan ng trahedya. Ang lalabag sa kautusang ito ay paparusahan ng ekspalsyon. Kaugnay nito, maraming estudyante ng BulSU ang nagbigay ng sari-saring reaksyon at komento: “Tama lang na wala ng field trips, bukod sa gastos lang ‘yun e delikado pa nga lalo pa’t hindi naman sinisigurado ng husto ‘yung security ng mga estudyante. Mas mahalaga parin naman ang buhay sa lahat,” komento ni Paulo Teodoro, mag-aaral ng Arkitektura. Mayroon din namang umangal at hindi pabor sa kautusang ipinatupad ng presidente. Ilan sa kanila ay mga estudyanteng mula sa kursong nangangailangang makisalamuha sa ibang tao at pumunta sa iba’t ibang lugar, tulad ng kursong Tourism. “Hindi dapat tanggalin ng tuluyan ang tours. E paano kaming Tourism students? Kailangan namin ng tour, dahil du’n tungkol ‘yung course namin. Paigtingin na lang dapat ‘yung safety ng mga estudyante, h’wag maging pabaya,” pahayag ni Genevie Aspera, mag-aaral ng Turismo. Sa kasalukuyan ay pinag-aaralan pa kung tuluyan na ngang aalisin ang mga ekspidisyon na kasama sa kurikulum ng mga kurso. Pagkansela ng Intramurals Kaugnay parin ng pagdadalamhati ng buong unibersidad, umuugong ang balitang hindi muna magdaraos ng intramurals ang Bulacan State University. “Hindi parin final ‘yung desisyon ng Admin e. Pero may chance nga na hindi muna tayo magdaos ng mga ganu’ng event, respeto na rin sa mga kapwa natin BulSUan na namatay. Siguro after 40 days nu’ng trahedya saka mag-a-announce kung tuloy ba ang intrams o hindi,” pahayag ni Student Government President Michael Santos. Hindi pa man pinalisado ang desisyon, maraming estudyante na ng paaralan ang umalma sa planong ito ng administrasyon. “Hindi na siguro tama kung pati ‘yung Intramurals e ikakansela ngayong taon. Wala namang may gusto du’n sa nangyaring trahedya, e bakit idadamay pati kami? Saka matagal na rin kaming naghahanda para du’n, kaya sayang naman kung hindi matutuloy,” reaksyon ni Steve Perez, miyembro ng Red Antz, basketball team. Taliwas naman ang paniniwala ng dekano ng kolehiyong kinabibilangan ng mga nasawing estudyante. Ayon kay dean Nerisa Viola ng College of Home Economics, nararapat lamang na huwag munang magsagawa ng anumang malaking selebrasyon ang paaralan bilang respeto sa mga namayapang estudyante.
0 Comments
Leave a Reply. |
Ron Canimo18 years old. Archives
May 2015
Categories |